Originally posted from here.
(Below is the speech of Lourd de Veyra which he delivered
on April 22, 2012, Sunday before the 2012 batch of the University of
the Philippines College of Mass Communication)
First time akong makaka-attend ng graduation ng college. Kahit sarili
kong graduation ay hindi ako nakadalo. Nung panahon ko ay hindi ako
naka-martsa sa entablado. Hindi rin ako naka-graduate on time.
Seven years after ko pa nakuha ang diploma ko, pero hindi na ako
nag-martsa. Parang nakakahiya na. Kaya hanggang ngayon, ay
masamang-masama ang loob ng aking ina dahil hindi kami nagkaroon ng
Kodak moments. Pero wala nang Kodak ngayon. Kaya sinama ko na lang siya
dito. Ayaw niyang maniwala na ako ang graduation speaker ng UP Mass Com.
Habang nagma-martsa sa PICC ang mga miyembro ng UST Arts and Letters
batch 1995, kaming tatlo ng best friends ko ay naglalasing,
nagdadalamhati na masisira na ang buhay namin.
Marami salamat sa imbitasyon. Kahit sa ‘min sa TV5 ay parang ayaw nilang maniwala.
“Bakit ikaw?” Yan din ang tanong ko. Busy siguro si Boy
Abunda. Sabagay uso naman yata ang mga patawang graduation speech. Si
Will Ferrell at si Sacha Baron Cohen ay inimbatahan ng Harvard nung
2003. Alam ko ang naiimbitahan sa ganito ay yung mga middle-age na may
mga mahalaga nang naiambag sa lipunan at sa mass media— bukod sa
pag-endorse ng isang brand ng alak at pagkakaroon ng billboard sa Edsa
na may pekeng abs. Hindi rin naman masyadong nagkakalayo ang mga edad
natin.
Para sa inyong lahat: walang sisihan. At para sa lahat ng mga
aktibista dito, sana ay patapusin niyo muna akong magsalita bago kayo
umakyat dito at magwagayway ng banderang “Serve the People” (Tingnan
natin kung makakapag-serve the people pa rin kayo habang nagsusulat ng
dialogue sa telenovela ni Aljur Albrenica sa susunod na taon).
Maraming salamat ulit.
Tinuturing ko itong isa sa mga pinakamatataas na karangalan ang
maimbitahang magsalita sa harap niyo— hindi nga ako gradweyt dito eh. Eh
kahit nga sariling kong alma mater hindi ako iniimbitahan magsalita.
Siguro kinahihiya nila ako. Hindi rin nila ako naimbitahang magturo
ulit. Buti pa ang De La Salle University, na naanyayahan akong magturo
nung huling term.
"Para
sa inyong lahat: Walang sisihan," sabi ni Lourd de Veyra, sinasagot ang
tanong kung bakit siya ang napaunlakang magbigay ng talumpati sa mga
nagtapos na estudyante sa UP College of MassComm.
Hindi ko sigurado kung ano ang gusto kong sabihin.
Pero bago ang lahat, gusto ko munang gayahin si Miriam Defensor
Santiago na hihirit muna ng pickup line bago mag-speech, lalo na dito sa
UP. “Yelo ka ba? Para kasi ang sarap mong ipukpok sa pader eh.”
Marami sa inyo ang magtatrabaho sa mass media. Marami rin sa inyo ang
papasok sa gobyerno. Malamang marami rin ang ibebenta ang kaluluwa sa
advertising at gagawa ng mga kopya tungkol sa shampoo at fried
chicken. Ilan sa inyo ay mangingibang bansa. May porsyento na
mananatiling tambay. Ang ilan naman ay magkakaroon ng scandal video at
tuluyang masisira ang buhay.
Hindi ko na siguro kailangang sabihin kung gaano kayo kapalad na
mapabilang sa henerasyon. Nabubuhay kayo sa mundo na wala ka nang
karapatang maging tanga, maging mangmang. Dapat may maglabas ng ganyang
slogan sa advertising, “BAWAL MAGING TANGA.” Nagtatampisaw tayo sa baha
ng impormasyon.
Pero hindi pa rin maiiwasan na may magtanong sa Twitter kung ano daw
ang capital ng Pakistan. Kung may Internet connection ka, you could have
saved yourself the humiliation of being called stupid and instead make
GMG: “Google mo, gago!”
Pero ito ang problema. Iba ang impormasyon sa karunungan — ganap na talino at dunong.
Hindi lahat ng may impormasyon ay may talino. Ang impormasyon ay
phone number ni Coco Martin. Pero ang karunungan ay si Coco Martin
mismo. Siya at ang kanyang katawan. Yaaa-meeee.
Sa mundong umaapaw sa datos, wala na tayong excuse maging mangmang.
Pero kahit si Christopher Lao ay ganap na abogado ngayon, he was still
not informed. Minsan, sa pagnanais nating makakuha ng impormasyon,
nakakalimutan natin ang talino, ay ang may saysay.
Eksampol na lang nito ang panonood ng concert habang nagvi-video ng performance.
Para kang tanga: ilang oras kang nakahawak sa cellphone mo, nakataas
ang kamay, at sa proseso ay nalimutan mo ang dapat mong pakay: ang
mag-enjoy sa konsyerto.
Ang hinaharap nating hamon ay kung paano humubog ng saysay mula sa
bundok-bundok ng impormasyong ito. Uulitin ko. Napakapalad ninyo.
Kung alam niyo lang. Kung alam niyo lang kung paano ang buhay
kolehiyo namin noon. Ngayon halos lahat na bahay ay may computer at
Internet connection. Dati umaarkila pa kami ng computer—kung hindi sa
Cubao, sa Pasay— para lang makagamit ng sinaunang Microsoft Word. Ang
thesis ko pa ay sinulat sa electric typewriter.
Twenty years ago, on exactly this month, ay tinatiyaga ko ang
maglakad sa ilalim ng init ng araw para manghiram lang ng libro sa
Thomas Jefferson Library at British Council. Ngayon, ang kailangan niyo
lang gawin ay “GMG.”
Twenty years ago, pauso pa lang ang grunge, at kinailangan pa naming
bumiyahe papuntang Pasay para manghiram lang ng cassette tapes. Ngayon,
GMG lang at…. Download. Ni hindi mo na kelangang lumabas ng bahay.
Huwag niyo sanang sayangin ang swerte. But speaking of swerte….
Tumigil na akong maniwala sa pagpaplano ng buhay.
Corny mang pakinggan, mas naniniwala ako sa tadhana. Kung totoo na
talino at galing ang sekreto sa tagumpay, dapat wala ako dito ngayon.
Hindi ako ang pinakamahusay na manunulat sa aming kolehiyo. At higit na
mas marami ang mas magaling mag-isip kesa sa akin.
May paborito akong kasabihan mula sa idolo kong nobelistang si Kurt
Vonnegut. “Unannounced changes in life’s itinerary are like dancing
lessons from God.” Napakagandang ideya. Napaka-akmang metapora. Dancing
lesson.
Sa dancing lesson, wala kang ibang pwedeng gawin kundi sumunod. Pag
hinila ka dito, sunod ka na lang. Pag binaba ka, bumaba ka rin. Pag
hinagis ka, magpagaan ka ng katawan.
Susugan din ito ng isa pang quote mula kay Voltaire: “I refuse to
believe in a God who does not know how to dance.” Ang pagsayaw ay isang
ekspresyon ng ligaya, ng laro, ng kalayaan ng katawan at diwa na mayroon
pa ring sistema. Pero ako mismo ay literal na hindi marunong sumayaw.
Heto ang maiksing kwento ng buhay ko.
Pagkatapos ng kolehiyo, diretso sa trabaho sa diyaryo bilang reporter
at editor. Umatend ng sandamukal na writing workshops. Nagtrabaho sa
isang creative writing center. Rumaket sa iba’t ibang mga magazines.
Nagtayo ng banda at nag-record ng apat na albums.
Nakapagsulat ng apat na libro ng tula sa Ingles, isang aklat ng
essays, at isang nobela. Naka-tsamba ng ilang writing awards along the
way. Tatlong taong gumagawa ng mga maiiksing dokumentaryo at video
opinion pieces para sa TV5. Kaya heto ako ngayon, weather presentor ng
Aksyon prime news.
Weather? Ang labo no? Hindi ko inakala na mag-a-ala Amado Pineda o Ernie Baron o Kuya Kim ako.
By the way, kahapon ang record ng pinakamainit na temperatura sa
Metro Manila sa taong ito. 35.9 degrees Celsius. Dahil pa rin yan sa
ridge of high pressure area na umiiral diyan sa Hilagang Luzon.
Nung ako’y nasa elementarya pa, akala ko magiging pintor ako. Kung
hindi pintor, sundalo. Nung high school naman, gusto kong maging
gitarista. Pero gusto ni Erpat… abugado.
At hanggang ngayon, feeling ng tatay ko ay hindi ako ganap na
matagumpay dahil walang “A-T-T-Y” sa simula ng pangalan ko. Hindi ko
naman inakala na gusto ko palang magsulat.
At hindi ko rin namang inakalang marunong pala ako magsulat hanggang
second-year college. Late bloomer ako pagdating sa panitikan. Nagtrabaho
ako sa diyaryo ng anim na taon. Naging editor ng magazine ng
mahaba-haba ring panahon. Sino bang mag-aakalang lalabas ako sa
telebisyon?
Ngayon, may tatlo akong programa: ang Aksyon (kung saan ako
nagwe-weather), ang talk show na Wasak sa Aksyon TV 41 (dito iniinterbyu
namin lahat, mula kay Rico J. Puno hanggang kay Gringo Honasan), at ang
Word of the Lourd.
Napasok ako sa TV taong 2009, nang tawagan ako ni Patrick Paez, isa
sa mga bosing ng News and Public Affairs department ng singko— noong mga
panahong nagdarahop pa ang istasyon (Oo, naranasan kong magtulak ng
isang bulok na Toyota Revo na walang umasikaso ng baterya). Inalok niya
ako ng isang segment sa late-night programang The Evening News. Bahala
daw ako kung ano ang gusto kong gawin.
“Ano nga ba ang gusto kong gawin?” tanong ko sa sarili. Eh ang
kaunting nalalaman ko sa TV production ay limitado lamang sa music
video. Paano kaya kung makagawa ng paraan na pagsamahin ang elemento ng
MTV at ang satirikong panulat?
Dito na pinanganak ang Word of the Lourd. Medyo blasphemous; wala na
akong ibang maisip na title. Ninais nitong talakayin mga paksang hindi
pinag-uusapan ng “seryosong” media.
Pero sa loob lamang ng tatlo hanggang apat na minuto. Hindi
kailangang sundin ang mga kumbensyon ng isang mainstream report—dahil
hindi naman siyang obhektibong pag-uulat.
Walang resource speaker o case study na iinterbyuhin, dahil, bakit
pa? Ang mga unang paksa ay tungkol sa pagkakaroon ng abs, ang
pagkahumaling ng Pinoy sa pagpapaputi ng kutis, at ang hygiene ng mga
Pinoy. Di nagtagal, ang nunal ni Gloria hanggang buhok ni Noynoy, at
tumagal hanggang sa pagka-macho ni Papa Piolo at ang tili ni Midas
Marquez.
Kung hindi mainit na political issue, isang paksang may kinalaman sa
kultura’t kasaysayan— gaya na lang ng balahurang asal sa social media,
relihiyon, pagdura, pag-utot, mga mababantot na apelyido, Rizal trivia
at iba pang mga historical tsismis, etc.
Hindi ko alam kung bakit siya hit. Pero dito ngayon pumapasok ang pagkaka-pareho namin nila Justin Bieber at Charice Pempengco.
Pero dito naman ako nagpapasalamat sa Internet, lalo na sa Youtube.
De
Veyra: Nabubuhay kayo sa mundo na wala ka nang karapatang maging tanga,
maging mangmang. Dapat may maglabas ng ganyang slogan sa advertising,
“BAWAL MAGING TANGA.” Nagtatampisaw tayo sa baha ng impormasyon. (Sari
Dalena)
Dahil sampung tao lang yata ang nanonood ng Channel 5 noon,
nagdesisyon ang isang editor na i-upload ang mga sinaunang episodes ng
Word of the Lourd. Kung di dahil sa Youtube, sampung tao pa rin ang
nakakapanood ngayon ng programang ito. Akala nga ng iba: sa Youtube ito
unang umeere—kaya naiimbitahan ako lagi sa mga forum tungkol sa
“alternative media.”
Anong alternative media pinagsasabi niyo diyan? May pera na kami
ngayon. Ini-edit sa mamahaling computer ang video namin. Sosyal ang
nire-rentahan naming van.
Hindi ko pa rin ang alam kung bakit siya nag-click—o kung matatawag
nga itong “click” dahil mas marami pa ring views ang videos ni Petra
Halimuyak at yung mga videos ng mga pagong na kumakanta.
Gayunpaman, ang swerte ko pa rin dahil sa kalayaang binigay sa akin
ng mga boss na isulat ang gusto kong isulat—wag lang libelous.
Nagpapasalamat din ako sa Gloria Macapagal Arroyo at Kris Aquino sa
walang humpay na materyal na binibigay nila. Buti na lang at hindi ako
brodkaster sa probinsiya— sa mga ganun, walang sense of humor ang mga
politiko.
So, muli, sa inyong lahat, congratulations. Sana lang, wag tayo lahat
matusta ng rocket ng North Korea. May dahilan kung bakit tinawag itong
“commencement exercises.”
Commencement dahil magsisimula pa lang kayo sa biyahe niyo sa buhay. Kaya heto na ang payo portion.
Obvious naman: pero kailangan uling sabihin. Mahalin mo ang ginagawa
mo. Huwag magtatagal sa isang trabahong hindi mo gusto? Bakit mo naman
gagawin yun? Dahil sa salapi?
Darating din yan, basta buhos mo lang ang kaya mo, kesyo indie film man yan o isang artikulo tungkol sa pagkain o paglalabada.
May kwento tungkol sa isang monghe sa monasteryo. Napansin ng isang
bisita na walang ginawa ang monghe na ito kundi magtrabaho sa hardin
buong araw.
“Bakit daw hindi nagdadasal ang mongheng ito?” Sagot sa kanya, dahil
buong isip at diwa ng mongheng ito ay nakalaan sa pagdilig at pagtabas
at pagtanim sa halaman, mas taimtim pa daw ang dasal nito kesa sa mga
nakaluhod sa loob ng simbahan.
Wag seryosohin ang sarili. Pero teka, kelangang klarohin ko ito. Okay
lang ang serious, huwag lang solemn. Walang bagay sa mundo ang hindi
napapagaan ng pagkakaroon ng sense of humor.
At pinakahuli sa lahat, matutong magtimpla ng kape. At hindi lang
basta kape—dapat ito ang pinakamasarap na kape sa buong mundo. Hindi na
siguro uso ngayon ang uutusan kang magtimpla ng kape ng boss mo pag ikaw
ay nagsisimula pa lang.
At sigurado akong may teacher kayong nagpayo sa inyo na huwag na
huwag kayong papayag na patimplahin kayo ng kape ng boss ninyo. May
punto naman sila. Pero parang Karate Kid lang yan eh.
Galit na galit at takang-taka ang batang disipulong si Ralph Macchio:
“Nagte-training ako ng karate, di ba? Bakit inuutusan ako ng matandang
guro na maglinis ng kotse niya? Bakit niya ako inuutusang magpintura ng
bakod ng bahay niya?” Sa huli, naintindihan niya rin kung bakit. Wax on.
Wax off. At kung ikaw ay fan ng mga kung fu movies, ang ganitong
tila-mababang pagsasanay ay pangkaraniwang arketipo. Paano ka
pagtitiwalaan ng mas malaking responsibilad kung ang isang maliit na
gawain ay di mo magawa nang maayos?
Okey, ituring lang na simbolo ang pagtitimpla ng kape. Kung hindi
kape, malamang pabibilhin ka ng blank DVD, o may ipapahatid sa iyong
papeles o P2 card.
Kung ayaw mo namang magka-boss, aba…. Madali lang yan. Andiyan naman
ang You Tube. Libre naman ang magbukas ng blog (Aba, maraming kumikita
diyan; lalo na pag tungkol sa pagkain— kahit hindi ka marunong
magsulat).
Basta, keep it real, ika nga ng kasabihan. Minsan sa makabagong
mundo, sa virtual na realidad, minsan nakakalimutan natin kung saan tayo
nakatungtong, kung saan tayo kumikilos.
Bilang pangtapos, gusto kong basahin ang isang tula ni Jose F. Lacaba.
NAKATINGIN SA BITUIN
Di naman panay dilim
ang gabing walang buwan
pagkat maraming bituin
akong nakita noon,
paglakad sa lansangan
nakatingin sa bituin.
Mga hiyas sa langit
(‘ka nga) nagkikislapan,
wala ni isang pangit,
wala akong makita
paglakad sa lansangan
nakatingin sa bituin.
Di ko tuloy napansin
ang dinadaanan,
kalsadang walang ningning,
pagkat talagang abala
paglakad sa lansangan
nakatingin sa bituin.
Nasalpok ko tuloy,
nasalpok sa isang paa,
ang isang tambak ng
taeng kalabaw sa daan:
paglakad sa lansangan
nakatingin sa bituin.
Santambak na kumalat
Sa kalsada’t paa ko,
Paalala ng lupa
Na paa’y nakatapak,
Paglakad sa lansangan
Nakatingin sa bituin
Sa Batch 2012, congratulations at good luck, at sana ay huwag
kayong makaapak ng tae ng kalabaw sa landas niyong tatahakin. Kung
sakali man, sumayaw ka na lang.